Isang Low Pressure Area (LPA) na nasa silangan ng Mindanao sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayan ngayon dahil sa tumataas na posibilidad na maging isang ganap na bagyo.
Kapag nabuo at pumasok sa PAR sa mga susunod na araw, papangalanan ito ng PAGASA bilang bagyong Marce.
Sa pagtataya ng mga eksperto sa ibang bansa, ang bagong sama ng panahon ay posibleng kumilos ng hilagang-kanluran tungo sa pangkalahatang direksyon ng hilagang Luzon ngayong linggo.
Dahil malayo pa, nagkakaiba-iba pa ang mga pagtataya ng mga ahensya. Sa American model posibleng maging isang malakas na bagyo ito samantalang ang European model ay sinasabing hindi ito gaanong kalakasan.
Sa ngayon ay may mahinang malamig na hangin mula sa may bahagi ng silangang China ang pumipigil upang maging isang ganap na bagyo ang LPA na ito.
Kung humina o mawala ng hanging ito, asahan ang mas mabilis na paglapit nito sa kalupaan ng Pilipinas bilang isang bagyo.
Gayunman mataas ang posibilidad na magdadala ito ng mga pag-ulan lalo na sa hilagang bahagi ng Luzon dahil sa mainit na temperatura ng dagat na akma sa pagbuo ng mga kaulapan.
0 Comments